Sakit sa Ugat ng Puso
Introduksyon
Noong 2018, ang sakit sa puso ang naging ikatlong nakakamatay na sakit sa Hong Kong kasunod ng kanser at pulmonya. Kabilang sa iba't ibang uri ng sakit sa puso, ang sakit sa ugat ng puso na ang pinakakaraniwan. Sa mga nagdaang taon, ang bilang ng mga sakit sa ugat ng puso sa mga mas bata ang edad ay tumataas.
Mga Sanhi
- Habang tumatanda ang isang tao, ang mga malalaking ugat sa puso (coronary artery) ay kumikipot o nababarahan ng mga depositong naglalaman ng kolesterol (mga plaque) na nabuo sa pamamagitan ng proseso ng atherosclerosis.
- Kapag ang mga malalaking ugat sa puso ay nagiging makipot o nabarahan, ang agos ng dugo sa puso ay mababawasan at ang supply ng oxygen sa mga kalamnan ng puso ay bababa o hihinto lalo na sa panahon ng mga pisikal na aktibidad. Ang pasyente ay makakaranas ng sakit sa dibdib at sa matinding kaso isang atake sa puso.
- Kasama sa mga panganib na kadahilanan para sa sakit sa puso:
- Mataas na presyon ng dugo
- Mataas na kolesterol ng dugo
- Diabetes mellitus
- Di-malusog na kaugalian sa pagkain
- Paninigarilyo
- Labis na katabaan
- Kakulangan ng ehersisyo
- Malubhang kaigtingan (stress)
- Kasaysayan ng sakit sa ugat ng puso sa pamilya
Sintomas ng Sakit sa Ugat ng Puso
- Mangangailangan ng matagal na panahon para mabuo ang atherosclerosis. Maaaring walang anumang mga sintomas bago ang unang pangyayari ng atake sa puso. Ang mga pasyente ay maaaring magkaroon ng mga sumusunod na sintomas:
- Sakit sa dibdib: Ang mga pasyente ay maaaring magkaroon ng pananakit sa dibdib pagkatapos ng puspusang pag-ehersisyo o dumadanas ng emosyonal na kaigtingan. Maaari silang makaramdam ng paninikip sa buong dibdib na parang dinadaganan ng isang bato. Ang sakit ay maaaring umabot sa braso, balikat, leeg at ibabang panga at maaaring humupa matapos ang ilang minutong pahinga ng pasyente
- Pangangapos ng hininga: Ang mga pasyente ay maaaring makadanas ng pangangapos ng hininga at pagkapagod sa pisikal na gawain.
- Acute myocardial infarction (atake sa puso) - Biglaang matinding sakit sa dibdib na maaaring umabot sa leeg, braso at ibabang panga. Ang pasyente ay maaaring dumanas ng pamamawis, pangangapos ng hininga, pagduduwal at pagsusuka o mawalan ng malay. Sinumang makaranas ng mga sintomas na ito ay dapat na agad na dalhin sa Departamento ng Aksidente at Emergency ng isang ospital upang humingi ng medikal na paggamot.
Pag-iwas sa sakit sa ugat ng puso
Ipinakita ng mga pag-aaral na sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga kadahilanan ng panganib, maaari nating mabawasan ang posibilidad ng sakit sa ugat ng puso.
- Huwag manigarilyo o uminom
- Magkaroon ng malusog na kaugalian sa pagkain sa pamamagitan ng pagsunod sa isang balanse, mababa sa taba, mababa sa asukal, mababa sa asin at mataas na fiber na diyeta
- Panatilihin ang isang malusog na timbang ng katawan (BMI <23 kg / m2, sirkumperensiya ng baywang <90 cm para sa mga kalalakihan, sirkumperensiya ng baywang <80cm para sa mga kababaihan)
- Magsanay ng may katamtamang intensidad ng aerobic na pisikal na aktibidad sa loob ng hindi bababa sa 10 minuto, tulad ng pagdya-jogging, paglalakad, pagsasanay ng Tai Chi, paglangoy upang maabot sa lingguhang target na hindi bababa 150 minuto bilang kabuuan o 75 minuto ng puspusang intensidad ng aerobic na pisikal na aktibidad bilang kabuuan (kung mayroon kang mga kadahilanan ng panganib sa sakit na puso, mangyaring humingi ng payong medikal bago mag-ehersisyo.)
- Pamahalaan nang maayos ang kaigtingan
- Panatilihin ang mahusay na kontrol sa mga talamak na sakit hal. alta presyon at diabetes mellitus, sa pamamagitan ng pagpunta sa regular na follow-up at uminom ng mga gamot ayon sa mga tagubilin ng mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.