Diabetes Mellitus
Ang Diabetes Mellitus (DM o diyabetis kapag pinaikli) ay isang talamak na sakit na metaboliko. Kung ang inilalabas na insulin ay hindi sapat o hindi normal ang paggana ng insulin, ang glucose sa dugo ay hindi na magagawang enerhiya na kinakailangan ng katawan ng tao. Bilang isang resulta, ang glucose ay maiipon sa dugo at makakapinsala sa mga daluyan ng dugo, at ang labis na asukal ay lalabas sa ihi. Ayon sa World Health Organization, ang diyabetis ay binigyang-kahulugan bilang fasting glucose (antas ng glucose sa dugo pagkatapos ng hindi pagkonsumo ng pagkain maliban sa tubig sa loob ng 8 oras) na kapantay o mas mataas kaysa sa 7.0 mmol / L o ang antas ng glucose dalawang oras pagkatapos kumain na kapantay o mas mataas kaysa sa 11.1mmol / L.
Mga uri ng DM
- Type I DM: Ito ang dahilan ng 5% hanggang 10% ng mga pasyenteng may DM. Ito ay mas karaniwan sa mga bata at kabataan. Dahil sa diperensiya sa pancreas, ang mga pasyente na ito ay nakadepende sa mga pag-iiniksyon ng insulin.
- Type II DM: Ang pinakakaraniwang uri na may 90% hanggang 95% sa mga pasyenteng may diyabetis ang may ganitong uri. Ang katawan ay bigong makabuo ng sapat na insulin o ang paggamit nito ay hindi epektibo. Ang mga sintomas ay karaniwang nabubuo nang paunti-unti at ang ilang mga tao ay may mga hindi halatang sintomas sa unang yugto. Pangunahing nakakaapekto ito sa mga nasa kalagitnaang gulang at matatanda, lalo na sa mga may kasaysayan ng DM sa pamilya, labis na katabaan, di-mabuting kaugalian sa pagkain o kakulangan ng pag-ehersisyo. Ang paggamot nito ay nakasalalay sa kalubhaan ng sakit. Para sa mga di-malubhang kaso, ang pagkontrol sa diyeta na may angkop na ehersisyo ay maaaring sapat na. Ang iba ay nangangailangan ng gamot na oral hypoglycaemic. Para sa mga pasyente na hindi maayos na kinokontrol ang DM, maaaring kailanganin ang pag-iniksyon ng insulin.
- Gestational diabetes: Ang mga kababaihan ay nagkakaroon ng diyabetis sa panahon ng pagbubuntis, na humuhupa pagkatapos manganak. Mayroon silang mas mataas na panganib sa pagbuo ng Type II DM kinalaunan.
- Sekondaryang diyabetis: Tinutukoy nito ang diyabetis na sanhi ng iba pang mga sakit (e.g. mumps, talamak na pancreatitis o pangmatagalang paggamit ng mga steroid).
Mga Kadahilanan ng panganib
- Edad ≥ 45 taon
- Sobrang timbang at labis na katabaan
- Kasaysayan ng diperensiya sa glucose fasting o diperensiya sa glucose tolerance
- Metabolic syndrome
- Alta presyon
- Sakit sa puso o Cardiovascular disease (hal. Coronary heart disease, stroke, peripheral vascular disease)
- Ang pagkakaroon ng iba pang mga kadahilanan ng panganib sa puso (hal. Hyperlipidaemia, paninigarilyo, hindi gaanong pagkilos)
- Kasaysayan ng pamilya (mga kamag-anak na unang-degree) sa diyabetis
- Mga babaeng may kasaysayan ng gestational diabetes mellitus o polycystic ovarian syndrome
- Pangmatagalang sistemiko ng terapiya sa steriod
Mga Sintomas ng Diabetes Mellitus
Ang ilang mga pasyente ay nagkakaroon ng hindi halatang mga sintomas, at ang kondisyon ay malalaman lamang tuwing may mga pagsusuri sa kalusugan. Kasama sa mga karaniwang sintomas ang:
- Madalas na pag-ihi at pagtaas ng dami ng ihi
- Sobrang pagkauhaw
- Pagkapagod
- Pagbaba ng timbang sa kabila ng malakas ng gana
- Pangangati ng balat lalo na sa mga pribadong bahagi
- Impeksyon sa sugat at mabagal na paggaling ng sugat
Mga Komplikasyon
- Mga acute na komplikasyon: Ang pagkawala ng kamalayan ay maaaring mangyari kapag ang glucose sa dugo ay masyadong mataas (diabetes ketoacidosis, hyperosmolar nonketotic coma) o masyadong mababa (hypoglycaemic coma). Ito ay mga sitwasyong pang-emergency at ang pasyente ay dapat agad dalhin sa ospital.
- Mga talamak (chronic) na komplikasyon: Ang matagalang pagkakalantad sa mataas na antas ng glucose sa dugo ay pumipinsala sa mga daluyan ng dugo at maaaring magdulot ng mga sakit sa iba't ibang mga sistema at organ kasama na ang puso, mga daluyan ng dugo, retina, mga bato at mga nerbiyo. Ang mga ito ay maaaring humantong sa pagkapinsala sa bato, pagkabulag, mga sakit sa puso, stroke, at mga ulser sa paa. Kaya, ang pinakamahalaga ay isang kontroladong antas ng glucose sa dugo upang mabawasan ang panganib sa mga pang-matagalang komplikasyon.
Paano makokontrol ang diyabetis?
- Panatilihin ang pinakamainam na timbang. Ang paglalabas ng insulin ay maaaring maitama kung ang sobrang timbang ng katawan ay nabawasan (BMI <23 kg/ m2, sirkumperensiya ng baywang <90 cm para sa mga kalalakihan, sirkumperensiya ng baywang <80cm para sa mga kababaihan)
- Bumuo ng malusog na kaugalian sa pagkain. Sundin ang isang balanse, mababa sa taba, mababa sa asukal, mababa sa asin at mataas na fiber na diyeta
- Magsanay ng may katamtamang intensidad ng aerobic na pisikal na aktibidad sa loob ng hindi bababa sa 10 minuto, tulad ng pagdya-jogging, paglalakad, pagsasanay ng Tai Chi, paglangoy upang maabot ang lingguhang target na hindi bababa 150 minuto bilang kabuuan o 75 minuto ng puspusang intensidad ng aerobic na pisikal na aktibidad bilang kabuuan (kung mayroon kang mga kadahilanan ng panganib sa sakit na puso, mangyaring humingi ng payong medikal bago mag-ehersisyo.)
- Iwasan ang pag-inom ng alkohol
- Huwag manigarilyo
- Regular na mag-follow up: Makipagtulungan sa iyong doktor sa pamilya upang magtakda ng mga target sa paggamot para sa glucose sa dugo, presyon ng dugo, antas ng lipid sa dugo at BMI. Gawin ang pagsusuri ng kalusugan nang regular at tingnan kung may anumang komplikasyon na nangyayari. Uminom ng mga gamot o mag-iniksyon ng insulin ayon sa payo ng mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan. Kumunsulta kaagad sa doktor ng iyong pamilya kung hindi maganda ang nararandaman pagkatapos uminom ng mga gamot. Huwag kailanman isaayus ang dami ng mga gamot nang mag-isa o ihinto ang pag-inom ng mga gamot.
Pag-iwas
Ipinakita ng mga pag-aaral na sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga kadahilanan ng panganib, maaari nating mabawasan ang pagkakataon na magkaroon ng diyabetis.
- Sundin ang isang balanseng diyeta
- Panatilihin ang isang pinakamainam na timbang ng katawan
- Regular na mag-ehersisyo
- Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom
Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang mga website "Ang Hong Kong na Sangguniang Balangkas para sa may Diabetes na Pag-aalaga sa mga Matatanda sa Pangunahing Pangangalaga ng Pagtatakda 【Bersyon ng Pasyente】"